Image hosted by Photobucket.com Wednesday, August 31, 2005

asan ang kalsada?

kanina naging dahon nanaman ako. dahong hindi naman tuyo pero nagliligalig lang. gusto lang kumawala sa punong sumasakal sa kanya. nakita ko nanaman ang sarili kong nagpapatianod sa gulong ng mga bus. nakikipagpagpatintero sa mga paang nagmamadali. nakikipaghabulan sa buhok na hinahagupit ng hanging maalikabok. namalas ko nanaman kung paano ako magpadausdos sa hagdanan sa istasyon ng mrt sa quezon ave. kung paano ko ninakawan ng sulyap ang batang namamalimos sa gilid ng hagdanan sa 2nd floor. kung paano sinalo ng nanghahamon kong mukha ang hapdi ng sikat ng araw. pinanood ko nanaman ang sarili ko habang inuusisa ko kung paano nagagawang pagandahin ng mga metro aide ang mumunting parke sa tabi ng mga pink na railings ni bayani. habang nagpapatiwakal ako sa pagtingala ng mga billboard ni borgy manotoc at ni mr. bench body habang iniisip na masyado silang guwapo, sana maging billboard na lang sila forever. habang nalilito ako sa mukha ng dalawang manong na ang isa ay sumisigaw ng fairview habang ang isa naman ay UP campus. muli, pinagsamantalahan nanaman ako ng polusyon ng quezon city. halos malunok ko nanaman ang alikabok kulang na lang pati hininga ko ay ipagbawal na rin dahil sa sobrang dumi. nakita ko nanaman ang walang kapaguran kong mga paa na tinatahak ang wala ring kapagurang kalsada papuntang mass comm building. makailang beses ko na ring ginasgas ang mukha niya. mabuti hindi siya nagdaramdam sa'kin. naakit nanaman ako ng CR. nahulog nanaman ako sa patibong ng mahiwagang salamin. nakita ko nanaman tuloy ang mukhang walang pinagbago. ngarag pa rin tuwing pumapasok. umaga man o hapon. magtatatlong buwan na pala akong ganito. pero bakit ganon? hanggang ngayo'y dahon pa rin akong nagpapatangay lang sa hangin. hindi naman lumalagpak sa semento. hindi rin naman dinadampot ng basurero.




3 Comments:

Anonymous Anonymous said...

love this! reminds me of rio alma's work.

8/31/2005 05:12:00 PM  
Blogger Baddie said...

ngunit ika'y isang marikit na dahon. nyahehe!

8/31/2005 06:22:00 PM  
Blogger Sinukuan said...

oo talaga.marikit akong dahon.paksyet.haha.

9/01/2005 05:24:00 AM  

Post a Comment

<< Home

Free JavaScript from
Rainbow Arch