isang pares ng tuldok.
naaalala mo pa ba nung mga gabing tayo'y mga langgam lamang sa
ilalim na punong mangga?
kidlat lamang ang panginoon at tubig-ulan lamang ang kapangyarihan niyang
nagpapakilabot sa atin noon.
mga bato lamang ang tagapanood.
mga tipaklong lamang ang tagapalakpak.
mas malinaw pa sa sarili kong tinig ang tinig mong
nagpapatahan sa akin sa pag-iyak.
takot ka rin pero nagpanggap kang matapang.
sa aking paningin ay tila mas maliwanag pa sa sikat ng araw ang hatid na liwanag ng buwan
ng gabing iyon.
sa kauna-unahang pagkakataon ay aking nasilayan ang kapayapaan sa iyong mukha.
kitang-kita ko sa iyong mabibilog na mga mata ang pag-asang
malalagpasan natin ang gabi.
gaano man ito kalamig.
gaano man ito kadilim.
makailang ulit mo ring sinubukang bihisan ang
hubad kong katauhan sa pamamagitan ng iyong
mapangahas ngunit mainit na mga palad sa kalagitnaan ng
paghampas ng mabagsik na hangin.
at sa kahuli-hulihan mong pagtatangka'y hindi na ako umiwas.
hindi ka nabigo.
sa wakas ay napawi mo na ang matagal ko ng pagkaginaw sa mga haplos ng
pag-iisa.
nailayo mo na ang aking diwa sa nakaririnding musika ng katahimikan.
naipagtanggol mo na ako sa nakasasakal na halik ng takot at pangamba.
siya nga, maaari naman palang maging matamis, mahiwaga at mainit ang gabi.
2 Comments:
astig ang entri mo men... apir tayo!!! hek hek hek...
wow!Ü
i wonder what triggered this post. hehe. happy tuesday dear!
Post a Comment
<< Home