pinutol-putol
medyo matagal na panahon na rin ang lumipas.
marahil, nasa magkabilang dulo na tayo ng tulay ngayon.
malayo sa isa't isa.
marami na ring bagay ang nagbago.
ang mga dating ngiti ay napalitan na ng luha. ang dating mainit na kalupaan ngayo'y nalulunod na
sa malamig na tubig alat.
ang dating matapang kong puso
ay
unti- unti
nang pinahihina ng mga sugat na dulot ng mga tinik
- ng mga tinik na iniwan mo.
hindi ko alam na ang mga magagandang salita pala na minsang nagpangiti at nagpaluha sa'kin sa tuwa ang siyang
dahan- dahang dudurog
sa mahina ko nang puso.
mga salitang hindi ko kailanman ninais na tanggapin at itago.
mga salitang pinilit kong itaboy papalayo
sa akin.
mga salitang dati ay sing ganda ng panaginip na ngayon ay sing saklap na ng bangungot
- ng bangungot na ngayon ay gumagambala sa aking kapayapaan.
nasasaktan ako.
nasasaktan ako dahil alam kong mga salita lang ang lahat ng iyon.
mga magagandang salitang marahil ay mananatili na lamang na mga salita sa habang panahon.
nasasaktan ako dahil hinayaan kong manuot sa akin ang mga salitang ngayon ay naging tinik na nga.
ang tamis ay naging pait na.
ang sarap ay naging sakit na rin.
sana tigang na lang ang puso ko o di kaya yelo o di kaya bato.
sana hindi ako ganito kahina para bumigay
sa patibong mong
alam kong kailanma'y hindi mo naman
sinasadya.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home