Napansin mo ba sa bawat paglapat ng labi ng lapis sa pisngi ng papel
Ang marahang pagdampi ng aking mga labi sa iyong nanlalamig na pisngi?
Batid mo ba na sa bawat pagitan ng mga payak na salita,
Sa bawat linya ng papel ang aking pagluluksa
Sa layo ng pagitan nating dalawa?
Narining mo ba sa bawat tuldok, gitling at pananda
Ang nagsusumigaw kong puso,
Nananaghoy at nauuhaw sa mapagmalasakit na pakikinig?
Alam mo ba kung paanong sa bawat pag-agos
Ng mga kaisipan at damdamin sa abang papel
Ay unti-unti kong hinuhubaran ang aking sarili
Hindi lamang sa iyong harapan
Kung hindi sa harapan ng buong mundong
Mapanghusgang tulad mo?
Nasilip mo ba sa bawat kanto at kurbada ng mga titik
Ang pinta ng aking ngiti, kurap,
Ng aking mukha?
Sana.
Dahil sa bawat titik at larawan na tinititigan mo sa papel,
Sa bawat musika at alingawngaw
Na likha ng pinagkabit-kabit na mga kataga,
Naroroon ako at unti-unting nauubos.
2 Comments:
gosh girl, you are so well-versed in tagalog, I swear. I wish I was like that too. I could barely understand some words but I tried. What is alingawngaw?
hehe. echoes un ms hanagirl. ok lang..tenks for reading at tenks sa effort sa pag-intindi.^-^
Post a Comment
<< Home