Image hosted by Photobucket.com Wednesday, September 14, 2005

papa.

hindi ko alam kung matatawa ba ko o maiiyak. mananahimik ba o matutulala. kung minsan bigla bigla na lang may sumusupalpal sa mukha mo tapos wala ka namang magawa kung hindi ang magulat na lang. ni hindi ka na nga nakakagawa ng kahit anong reaksyon. hindi ganoong kabilis ang utak mo at puso para makasabay sa agos. at siguro hindi ka rin ganoong katapang at katibay para harapin ang kung anumang isinasambulat na sa mga nagbubulag-bulagan mo pang mga mata. aalis ka na bukas. aalis ka nanaman. mahigit sampung taon ka na ring umaalis at bumabalik pero hanggang ngayon hindi pa rin ako nasasanay. sa tuwing umaalis ka ganoon pa rin kasakit ang tinik na iniiwan mo. sa tuwing umaalis ka, hindi pa rin sapat ang mga pangako mong babalik ka para busugin ako. nitong mga nakalipas na araw ay inaaway kita.hindi kita kinikibo at ni hindi man lang kita tinitignan. siguro heto nanaman ang ilan sa mga panangga ko laban sa kalungkutan. ayokong iwan mo nanaman ako ng masaya tayo. lalo lang kitang mamimiss. lalo mo lang akong pahihirapan habang iniisip ko na kahit ilang beses ka pang magbalak umalis, wala naman akong magagawa para pigilan ka lalo pa't ako ang isa sa mga dahilan kung bakit kailangan mong umalis - at bumalik ng paulit-ulit. nalulungkot lang akong isiping, sa ikli ng buhay na 'to ilang beses lang kitang nakasama sa mga pinakamahahalagang araw. ilang beses lang kitang nakasama tuwing bertdey ko, tuwing recognition o graduation, tuwing pasko, bagong taon, mahal na araw, tuwing araw ng mga patay, piyesta, tuwing suspended ang klase dahil bagyo o dahil nagstrike ang mga jeepney drivers. kung minsan tuloy, parang lahat na nang araw ay pantay-pantay.wala ng espesyal kahit bertdey ko pa at kahit pasko hindi ko na inaasam. nanghhihinayang lang ako dahil dumaan ang mga araw na yun na hindi tayo magkasama. sana alam mo na palagi akong nasasabik sa'yo. ngayon, disi otso na 'ko pero marami pa rin ang hindi nagbago. ako parin ang prinsesa mo at ako lang ang prinsesa mo (sana). kung minsan tuloy gusto ko na ring makisali sa rally at awayin ang gobyerno dahil sa kahirapan ng pilipinas. siguro kung hindi mahirap dito, siguro hindi mo na kailangan pang umalis. siguro hindi na tayo manghihinayang pa sa bawat oras na hindi tayo magkakasama. siguro mapapanood mo pang mabuti kung paano ako lumaki, magdalaga, umibig, magtagumpay, mag-asawa, magkaanak...siguro wala kang mamimiss sa mumunting mga pagbabagong nagaganap sa akin - sa amin ng mga kapatid ko. alam mong isa sa mga hiling kong alam kong hindi na matutupad ay ang panoorin mo ko at samahan sa bawat yugto ng buhay ko. kahit na nandyan ka pa rin naman, syempre iba pa rin yung malapit ka lang.yung nandito ka lang sa tabi ko.yung hindi tayo pinaglalayo ng malawak na dagat at milya-milyang kalupaan, bundok, burol, ulap at higit sa lahat - oras. wala akong laban sa kanila. tao lang ako. puso lang ang mayroon ako at ang kaya ko lang gawin ay kumapit. siguro sa susunod na umalis ka sasama na ko sa'yo. isama mo na ko. isama mo na kami. ihahatid ka namin ni mama bukas kahit na ayokong makita ang likuran mo habang lumalakad ka papasok sa airport. ayokong makita kung paano nanaman tayo paglayuin ng mga dahilang hindi natin kayang labanan. hindi ko maipapangakong hindi ako iiyak pero sige hindi ako iiyak sa harapan mo. hindi naman talaga ako umiiyak sa harap mo kahit kailan diba? kasi sigurado kong iiyak ka rin. basta mag-ingat ka na lang doon. magpakabait ka. palagi tayong magcha-chat ha? mamimiss kita ng sobra. lagi mong tandaan na palagi kitang iisipin. ako pa rin ang prinsesa mo at may malaking puwang sa puso ko na talagang para sa'yo lang.




4 Comments:

Anonymous Anonymous said...

sobrang nakaka relate ako sayo... alam ko ang pakiramdam ng isang anak kapag hindi nya kasama ama nya sa mga mahahalagang araw ng buhay nya. tama ang sinabi mo... kumapit ka na lang... magpakatatag ka.

9/14/2005 04:40:00 PM  
Blogger The Guy in Red Sneakers said...

this is the premium you have to pay. you, him.

my saying this seems trivializing everything, but... someday, you'll look back at all these and say... God, THAT experience taught me sooo much.

i dunno. i don't have strong familial attachments kasi. that's why maybe i can't... relate.

and i, too will leave this country for work overseas. i don't have too many attachments dito. or in general, to anything, anyone.

cheer up. i'm sure your dad has your best interests in mind.

perspective -- it's already one day less till the time you see him again, eh..?

again, just my take. i want to say i understand, pero... you are the person. this is your experience.

ako, i was happy to see them go. remember, evil people leaving makes me happy..?

ha ha ha. sorry.

9/14/2005 09:17:00 PM  
Blogger JS said...

In some way, i envy you.
At least you get to see your dad go....
Here in my case, even if my dad is always in the house,
we don't really see eye to eye.
:(

9/15/2005 07:25:00 AM  
Anonymous Anonymous said...

napagod ako sa mga kawindangan mo ha hehehe....

swerte mo pa rin.. naihatid mo pa dad mo, kakaalis lng ng tatay ko last week at d na ko nakapag-gud bye kiss kac naman ako ang hinatid nya 3 months ago...

boyzone fan din ako lalo na kay fafa ronan hehehe...

9/16/2005 12:15:00 PM  

Post a Comment

<< Home

Free JavaScript from
Rainbow Arch