Image hosted by Photobucket.com Tuesday, October 04, 2005

sa pagitan ng alikabok at kalsada.

Ahhhchiiiing!!!

Hindi ko maipaliwanag kung bakit hanggang ngayon ay allergic pa rin ako sa alikabok. Samantalang, lumaki naman ako sa siyudad – madumi, mabaho at magulo. Sa siyudad na siyang kahalintulad din ng mundo naming dalawa.

Oo nga at katabi ko siya ngayon dito sa ilalim ng araw, sa harap ng mga rumaragasang sasakyan ngunit wala rin naming kaibahan. Blangko ang lahat. Animo’y wala akong katabi. Tulad ng nakasanayan ko, nananatili pa ring matapang at walang bakas ng anumang pag-aalinlangan ang kanyang mukha. Nakakunot ang nooy na tila’y may malalim na iniisip. Kung ano man o kung sino man ang kanyang iniisip ay natitiyak kong hindi ako at hindi iyon tungkol sa kung ano mang mayroon kami ngayon.

Aray!

Ang matatalim na alikabok ang siyang gumambala sa aking pagmumuni-muni. Makirot at mahapdi…singhapdi ng sugat kong hanggang ngayon ay nananatiling sariwa pa. Nanunuot sa buo kong kamalayan. Ako ay bahagyang napaluha.

O ayan, masakit pa ba?

Marahan niyang hinipan ang aking hindi na maimulat na mga mata. Ang hininga niya ay tulad pa rin ng dati. Malamig. Mabango. Mapanlinlang. Ang kakayahan nitong makapgdulot ng ginhawa sa aking dumadaing na kaluluwa ay wala pa ring kupas.

Kumurap ako. Tumitig sa kanya. Ngumiti. Hindi na. Salamat. Lakad. Lakad lang. Lakad pa rin.

Nakayuko ako. Pilit inaaliw ang sarili sa panonood sa aming magkatabing mga paa. Mararahan at mabibilis na hakbang. Mga hakbang na hindi magawang magkasabay sa kahit anong paraan. Mga pang wala naman talagang pinatutunguhan.

Lagi na lamang bang ganito?

Pabalik-balik sa parehong mga lugar na parati kong itinatanong sa sarili ko kung may halaga rin ba sa kanya. Mga lugar na nagpapaalala sa akin sa mga pangyayaring tulag ng paikot na daan, pawing paulit-ulit lamang. Mga kalsadang gasgas, mga daang sugatan. Tulad din ng aming mga alaala, dinadaanan lamang ng mga mapupusok na paa at sa huli’y maiiwanan lang din naman ng mga lubak na siyang nagsisilbing bakas ng mapait na karanasan.

Nginitian ko siya.

Ngiting mapagkunwari. Ngiting natatanging daan upang maikubli ang nangingilid kong luha. Pilit itinatago ang mga emosyong nais ng kumawala. At sa halip na umiyak…

Aray!

Hindi ko alam kung bakit ba hindi ko pa rin magawang masanay sa palagiang pagpuslit ng alikabok sa aking mga mata. Sa kabila ng mahabang panahon ng aking pakikisalamuha sa kanya ay hindi ko pa rin siya magawang harapin o iwasan. Dumadating siya kung kalian niya nanaisin, sasamantalahin ang mga sandaling ako ay Malaya at walang bahid ng pangamba at sa huli ay iiwan lamang din pala ako ng iilang patak ng luhang ako lamang at siya ang nakakakita.

Nanatiling nakayuko. Minasdan ko ulit ang mga paa. Sinuri kong muli ang mga alikabok.

Ang dalawang pang matigas at ang alikabok na makasarili… Ang dalawang pang pagod na at ang mga matang patuloy na pinagsasamantalahan ng alikabok… Heto at pabalik-balik pa rin sa kalsadang noon pa ma’y pinamamanhid na ng kasinungalingan.

oo, keso nanaman siya. wala lang. actually, pinasa ko yan sa humanities 1 class ko last year.





3 Comments:

Anonymous Anonymous said...

achinng!!!! ako ren allergic sa alikabok!

10/04/2005 06:31:00 AM  
Blogger Baddie said...

you rock! hehe.

10/04/2005 07:57:00 AM  
Blogger Dorothy said...

ang galing! very interesting!... ng humanities class. joke! ;)

take care stellar. :)

10/05/2005 06:01:00 AM  

Post a Comment

<< Home

Free JavaScript from
Rainbow Arch