Image hosted by Photobucket.com Thursday, December 22, 2005

buntung-hininga muna.

Minsan pag pinagmamasdan ko si mama habang tuliro siya sa dami ng gagawin sa bahay o kaya habang naninigarilyo siya sa garahe gusto ko siyang tanungin kung masaya ba talaga siya.

Alam ko, hindi biro ang buhay na pinagdaanan – at pinagdadaanan niya. Hindi siya nakatapos ng college dahil nabuntis na siya (at ako yon). Napilitan siyang pasukin ang kahit anong trabahong kaya niya. Napilitan siyang pasukin ang buhay na hindi pa niya napaghahandaan. Alam ko, napakalaki rin ng hirap niya sa pagpapanatiling matibay ng relasyon nila ni papa. Halos araw-araw noon kung mag-beerhouse yon. Madalas silang mag-away. Minsan nga lumayas pa si mama at umuwi muna sa nanay niya. Iniwan niya kami sa bahay kasama si papa. Mga ilang araw din kaming nagtiis ng mas bata kong kapatid na lalake sa pritong itlog at tuyo pati sa tutong na kanin. At dahil ako ang panganay at unica iha, madalas na utusan ako ni mama na ako na lang ang mag-sermon kay papa dahil saken lang daw yun makikinig. Ginagawa ko naman syempre at tuwing ginagawa ko yun, palagi siyang umiiyak.

Nakita ko kung paano rin magbago ang itsura ni mama. Kung paanong unti-unting nalagas ang mga ngipin niya, kung paano siya napilitang ipagupit ang dati niyang mahaba at kulot na buhok, kung paano mabahiran ng napakapangit na peklat ang biniyak niyang tiyan (caesarean kase), kung paano unti-unting mabalutan ng varicose veins ang dati niyang flawless na mga binti at kung paano unti-unting napalitan ng mga bilbil ang dating maliit niyang beywang. Nakita ko kung paano na unti-unting nawala sa uso ang mga sinusuot niya. Kung paano unti-unting inamag ang make-up niya.

Dumaan ang maraming taon na kami na ang buhay niya. Sa amin na umiikot ang mundo niya. Hindi ko naman talaga alam kung ano ang mga pangarap niya sa buhay pero siguro marami doon ang hindi na niya natupad dahil sa amin. Palagi ko tuloy iniisip kung masaya ba talaga siya sa kinahantungan ng buhay niya. Isang housewife na naga-abroad ang asawa at minsan lang sa isang taon niya makasama, may apat na anak na ngayon eh ang tatlo doon eh mas madalas pang wala sa bahay. Hindi naman sa sinasabi kong imposibleng maging masaya ang isang babae sa pagiging asawa at ina. Naiisip ko lang kase na marami pa siyang gustong gawin sa buhay niya na hindi na niya nagawa dahil nga sa responsibilidad niya sa pamilya niya.

Sa loob ng maraming taon, walis, mop, sabon, basahan ang kaharap niya sa araw-araw. Maglinis ng bahay, magluto, maglaba, mamomrebla sa budget, magsermon sa mga anak niyang hindi marunong makinig, mag-alala sa mga anak niyang hindi nagpapaalam kung saan pupunta at ginagabi ng uwi, mag-alaga sa mga anak niya tuwing may sakit ang mga ito ang palagi niyang ginagawa. Marami sana siyang issues sa sarili niya pero kinakalimutan na lang niya ang mga iyon dahil pa rin sa mga anak niya, sa asawa niya. Tanging social life na lang niya ang makausap sa telepono ang bestfriend niyang taga-Antipolo pa. Masaya na siya kung minsan eh magkasabay-sabay kaming mag-hapunan. Pinakamasaya pa kung sabay-sabay kaming makapanood ng tv pagkatapos kumain.

Palagi ko tuloy naiisip kung hindi ba siya nagsasawa sa takbo ng buhay niya. Masaya kaya talaga siya? Masayahin kasi siya talagang tao kaya mahirap masabi. Palagi siyang nagbibiro, tumatawa, nagkukuwento, kumakanta, sumasayaw. Kaya minsan kapag hindi siya hyper, o kaya pag nakaupo lang siya sa isang tabi naiisip ko kung masaya ba talaga siya. Alam ko napapagod na rin siya.

Ngayon nga inaasikaso niya yung mga requirements para sa pag-aabroad niya kasama ng bestfriend niya. Magke-care-giver daw sila sa U.K. Kailangan daw niyang gawin yun para makaipon.Noong una yokong pumayag (kahit na wala naman talaga akong magagawa). Hindi kasi ako sanay kapag wala siya. Patay ang bahay kapag wala siya. At saka siya at si DJ (yung bunso kong kapatid) lang ang nakakapag-pa-excite sakeng umuwi agad araw-araw. Madali ko siyang mamiss. Hindi ako palagay kapag wala siya kaya ayoko sana siyang umalis.

Pero napag-isip-isip ko rin na dapat na kong pumayag. Na hindi tama na pigilan ko siya. Sa loob ng mahabang panahon, ngayon lang dumating yung pagkakataon na para lang sa kanya. Pupunta siya sa UK para magtrabaho. Para kumita ng perang pinagpaguran niya. Para gastahin ang perang sa kanya lang talaga. Gusto talaga niyang umalis hindi lang dahil sa pera. Alam kong may higit pa siyang dahilan. Gusto niyang umalis dahil gusto niyang makapag-isa. Ma-enjoy ang sarili niya. Mapasaya naman ang sarili niya. Alam ko matagal na niyang gustong gawin to pero hindi niya magawa dahil samin ng mga kapatid ko. Pero ngayong malalaki na kami, ngayon lang niya magagawa.

Ang totoo marami siyang pangarap. Gusto niya ngang mag-aral ulit eh. At ang totoo, marami siyang kayang gawin. Matalino siya, Maabilidad. Pero dahil kaming pamilya niya ang pinriority niya, kinalimutan muna niya ang iba sa mga pangarap niya.

At ang totoo marami akong pangarap para sa kanya, sa kanilang dalawa ni papa. Pag nakatapos na ako at nakapagtrabaho na, papag-aralin ko siya. Kahit ano’ng gusto niya. Gagawin ko talaga siyang reyna. Ipapag-shopping ko siya. Bibilhan ko siya ng magandang-magandang cellphone (kase ba naman lahat kami colored ang cellphone tapos siya 3310). Ipapasyal ko siya sa lahat ng mga lugar na gusto niyang puntahan. Tutuparin ko yung pangarap niya na maging foster parent tuwing pasko. Bibigyan ko siya ng pera para maging Santa Claus na siya ulet. Bibilhan ko siya ng maraming-maraming cake at chocolate (pareho naming favorite). Bibihan ko siya ng maraming bags at sapatos (pareho ulet naming favorite). Bibilhan ko siya ng the ultimate magic sing (tenen!) para pwede na siyang mag-concert anytime. Ipagtatayo ko sila ng business ni papa para pag tanda nila na makapagkukuhanan pa rin sila ng income at saka para may pagkakaabalahan pa rin sila. At syempre higit sa lahat, kahit na ano pang mangyari saken, kahit magkaroon na ko ng sarili kong pamilya o hinde , hindi ko sila pababayaan. Aalagaan ko sila.

Pero ngayon, habang nababagabag pa rin ako kung masaya nga ba talaga si mama, sa tingin ko gagawin ko na lang lahat para maging mabuting anak at kaibigan sa kanya para kahit paano mapasaya ko nga siya at mapasalamatan din.





3 Comments:

Blogger ai-lin said...

alam mo bamb pag magulang ang pinag-uusapan hindi ko mapigilang hindi maiyak..
sixties na parents q, at hindi ko man ihanda ang sarili ko alam kong, nasa edad na sila ng pamamahinga..
sumisigaw ang kalooban ko pag naiisip ko to, tulad ngayon, tumutulo na naman ang luha ko.
at aaminin ko ito talaga ang dahilan kung bakit isinasantabi ko muna ang buhay barkada, tama na sa akin na paminsan-minsan eh maka-text ko na lang kau.
sa kasalukuyan, pilit kong iniisip kung anu na bang grade ko sa pagtanaw ng utang na loob.
karapat-dapat na ba akong tawaging mabuting anak?
pero laging hinde.
bamb, malungkot pag nakikita ko ang tatay ko na pinipilit hilahin ang kanang paa niya pag naglalakad samantalang parang kailan lang na tinuruan niya akong maglakad na mabilis pag hinahatid niya ko nung kinder pa lang ako at late na ko.
malungkot din tuwing gustong-gusto ng nanay ko na ibili niya ako ng bagong damit kahit sa palengke man lang pero hindi niya magawa dahil pinanlalambot siya ng tuberculosis niya.
gusto kong sumigaw tuwing maririnig kong umuubo siya, para akong binabaril.
sige bamb, tama na to, hindi na ko makahinga.
ngayon alam mo na kung bakit hindi ako pwedeng mag-day off.

12/27/2005 05:40:00 AM  
Blogger Sinukuan said...

bamb sorry ha kung hindi kita maintindihan ng lubos.

sorry, alam kong pagkukulang ko yun.

oo, ganyan talaga. may edad na parents mo. tama gawin mo na lahat ng magagawa mo habang nandyan pa sila. wag ka ng magmukmok. i-cherish mo na lang mga araw na kasama mo sila. isa pa, tayo namang lahat apat hindi tintake for granted ang bawat pagkakataon. bata pa man o matanda ang parents naten, dapat chinecherish na natin ung mga arw na kasama natin sila. even sa friends at sa kung sino2 at anu2 pa.


wag mong ipressure ang sarili mo sap ageevaluate kung mabuting anak ka nga ba. gawin mo lang ang gusto mo at sa tingin mong dpaat. ung mga napalaking utang na loob natin sa parents naten kase ay kahit anong gawin natin, hindi na natin mapapantayan un. sa sobrang laki. kaya gawin mo na lang ang kaya mo.

andito lang kami parati. usap tayo. dalaw kami sa haus nyo minsan.

12/27/2005 09:23:00 PM  
Blogger ai-lin said...

tnx bamb, nga pala tinanggihan ko na naman yung alok mong kita-kita kanina, gusto ko pang mag-explain pero di ko na magawa, kau na lang bahala umintindi. sorry. salamat tol, dapat mong malaman na masaya ako kasi sinorpresa nyo q ni kelly.

1/01/2006 02:13:00 AM  

Post a Comment

<< Home

Free JavaScript from
Rainbow Arch